Posts

Showing posts from November, 2025

Lunsad-aklat sa rali

Image
LUNSAD-AKLAT SA RALI Nailunsad din ang 40-pahinang aklat kong  "Malayang Salin ng mga Tulâ ng Makatang Palestino"  ngayong  Nobyembre 29, 2025, International Day of Solidarity with the Palestinian People , sa pagkilos ng iba't ibang grupo kaninang umaga sa Liwasang Bonifacio sa Maynilâ. Isa ako sa mga nagbigay ng pahayag sa pamamagitan ng pagtul â . May iba ring bumigkas ng tul â , umawit at sumayaw. Kasabay ng paglulunsad ng aklat ay b inigkas ko roon ang tulang  "Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, Inay"  na salin ko ng tu lâ  ng makatang Palestinong si  Zayna Azam , at binigkas ko rin ang isa pang tulang katha ko hinggil sa pakikibaka ng mga Palestino . Maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta at bumili ng munti kong aklat ng salin ng tula ng mga makatang Palestino.  Mabuhay kayo!     

Korapsyon: Kung anong bigkas, siyang baybay

Image
KORAPSYON: KUNG ANONG BIGKAS, SIYANG BAYBAY ni Gregorio V. Bituin Jr. Nabasa ko ang sinulat ni  National Artist Virgilio S. Almario  sa kanyang kolum na Filipino Ngayon sa pesbuk hinggil sa baybay ng salin sa wikang Filipino ng corruption. Tinalakay nga niya kung korupsiyon ba o korapsiyon ang tamang salin. Basahin ang kanyang sanaysay na may pamagat na  KORUPSIYON O KORAPSIYON?  sa kawing na:   https://web.facebook.com/photo?fbid=1403137705151190&set=a.503294381802198 Pansinin. Sa dalawang nabanggit na salitâ ay kapwa may titik i sa pagitan ng titik s at y. Hindi niya binanggit ang salitang korapsyon. Palagay ko'y dahil mas akademiko ang kanyang talakay. Sa karaniwang manunulat tulad ko, natutunan ko ang isang batas sa balarila na nagsasabing kung anong bigkas ay siyang baybay. O kung paano sinabi ay iyon ang ispeling. Kaya sa wari ko ay walang mali sa salitang korapsyon o kaya'y kurapsyon. Di tayo tulad ng mga Inglesero na talagang mahigpit sa ispeling. An...

Si Prof. Xiao Chua at ako

Image
Litrato kuha sa book launching ng "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino" sa HistoEx (History to Experience) sa Gateway 2, Cubao, QC, Agosto 3, 2025 . Litrato kuha sa Bantayog ng mga Bayani, Oktubre 22, 2022, sa aktibidad na Balik-Alindog Bantayog. SI PROF. XIAO CHUA AT AKO Mabuti't natatandaan pa ako ng historyan na si  Prof. Michael Charleston "Xiao" Chua  nang makabili ako ng aklat niyang  "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino"  sa HistoEx (History to Experience) sa Gateway 2 sa Cubao. Natandaan niya ako dahil isinulat niya ang dedikasyon sa aking pangalan. 3 Agosto 2025 Para kay Greg Bituin, Bayani ng kalikasan! Xiao Chua Nakatutuwa dahil isinulat niya roon ang  "Bayani ng kalikasan!"  na ibig sabihin, tanda niya na naging magkatabi kami sa upuan noong 2016 nang dumating dito sa Pilipinas si dating US Vice President Al Gore para sa tatlong araw na Climate Reality training. Dinaluhan din iyon ng aking namayapang asawang si Liberty, na di ko pa ...

Napanalunang aklat

Image
NAPANALUNANG AKLAT nakinig ako sa zoom nilang talakayan hinggil sa mga aklat, mula pamantasang Ateneo, Kagawaran ng Filipino at sa pa-raffle nila, nanalo ng libro ang aklat ay  Poems  ni  Martin Villanueva bagamat ngayon ko lang siya nakilala di sa personal, kundi sa aklat ng tulâ nasa Ingles, wala pang walumpung pahinâ kanina, dumating ang kartero sa bahay at natanggap ko na ang premyo nilang bigay dagdag na koleksyon sa munti kong library nakapagbabasa pa kahit super-busy sa Ateneo, taos kong pasasalamat sa librong itong ngayon ay binubulatlat dedikasyong:  "Hope you find something worthwhile in THIS" ng awtor sa aklat, sa pagod ko'y nag-alis - gregoriovbituinjr. 11.09.2025

Paksâ sa madaling araw

Image
PAKSÂ SA MADALING ARAW ako na'y may tulâ paggising sa madaling araw kayrami kasing ideyang sa diwa'y nagsilitaw samutsaring paksâ, gumagalaw, di gumagalaw: trapik, langgam, pusà, rali, bulalakaw, bakulaw bato, batugan, basâ, basahan, handâ, handaan dala, dalag, dalaga, binat, binatà, ginatan puto, puta, puti, lansa, lansangan, una, unan talatà, taludtod, taludturan, tugmâ, tugmaan pag-iisip, pandiwa, paglilimi, pagninilay paglalakad ng kilo-kilometro, paglalakbay pakikisama, pagkakaisa, paghihiwalay saya, hagikhik, libog, nasa, dusa, dukhâ, lumbay ga, gara, garapa, garapata, kayraming paksâ kinawat na pondo sa flood control, tao'y binahâ ilang minutong ulan, nagbabahâ, bumabahâ bakit mga trapong korap ay naboto pang sadyâ - gregoriovbituinjr. 11.06.2025

Machiavellian daw ba ang mga kurakot?

Image
MACHIAVELLIAN DAW BA ANG MGA KURAKOT? Machiavellian daw ba ang mga kurakot? sa pulitika'y di dapat lalambot-lambot leyon at soro ang liderato ng buktot na dapat masa sa ulo'y kakamot-kamot masang sunud-sunuran at di pumapalag bigyan lang ng ayuda, sila na'y panatag masa'y bubulong, di lantad kung magpahayag mata'y pipikit kahit maraming paglabag tulad ng mga tipikal na pulitiko laging bilugin ang ulo ng mga tao kahit gumawa ng krimen upang umano sa mga ambisyong pampulitika nito kaya nga nagnanakaw sa kaban ng bayan iyang mga buwayang walang kabusugan na sa galit ng masa'y walang pakialam dahil sila'y may kamay na bakal daw naman dapat ilantad ang gawi ng mga korap dahil sa bansa, sila ang mga pahirap mga trapo'y ibagsak ang dapat maganap upang maitayo ang lipunang pangarap - gregoriovbituinjr. 11.03.2025 * Ang taga-Florence na si Niccolo Machiavelli ang awtor ng The Discourses, at ng The Prince na political treatise hinggil sa pamumuno