Posts

Showing posts from February, 2025

Nilay sa pagbaka

Image
NILAY SA PAGBAKA nanilay ko bawat pakikibaka bakit dapat baguhin ang sistema? bakit igagalang ng bawat isa ang pagkatao't dignidad ng kapwa? ano ba ang pantaong karapatan? ano iyang hustisyang panlipunan? bakit mga ito'y ipaglalaban? bakit ba pagbabago'y ating asam? nakatingala muli sa kisame habang may minumuni sa kukote ano ang ating adhika't mensahe? sa mundong sangkatutak ang salbahe? pagbabago ng sistema'y di biro kahit madalas ako'y hapong-hapo tuloy ang pagkilos ng buong puso nang lipunang makatao'y matayo - gregoriovbituinjr. 02.26.2025

Ang makatang Percy Bysshe Shelley

Image
ANG MAKATANG PERCY BYSSHE SHELLEY hanga rin ako sa makatang Percy Bysshe Shelley pagkat siya'y makatang radikal na masasabi mithi kong tula niya'y isalin sa ating wika upang mga katha niya'y mabasa rin ng madla may nakita akong aklat siya ang tinalakay di pa mahiram sa opis na pinuntahang tunay radikal mag-isip lalo't itinaguyod naman pantay na pamamahagi ng yaman sa lipunan ang kanyang aktibismo't mga akdang pulitikal ay mababasa kung gaano siya ka-radikal napagnilayan din niya noon ang Rebolusyong  Pranses, pati na ang pamumuno ni Napoleon sumuporta sa himagsik laban sa monarkiya sa Espanya, pati nang mga Griyego'y mag-alsa laban sa imperyong Ottoman, makatang idolo na itinuturing na sosyalista katulad ko  sana'y mahiram ko't mabasa ang libro sa opis na sana'y di anayin o kainin lang ng ipis mahalagang talambuhay niya'y aking manamnam inspirasyon siya kaya libro'y nais mahiram - gregoriovbituinjr. 02.19.2025

Pagtatanggol sa sarili

Image
PAGTATANGGOL SA SARILI bata pa'y nakilala na si Bruce Lee mga akda niyang libro'y binili hinggil sa JiKunDo, pati na sine niya'y pinanood ko at nawili sumunod, pelikula ni Jackie Chan walang aklat niya akong nalaman pagsusulat ba'y di nakagawian kundi panoorin lang sa sinehan nariyan din sina Jet Li, Samo Hung, at marami pa, kung sila'y magsabong tila sa kalaban di umuurong sa sarili ako'y napapatanong kung fu nila ay nais kong basahin kanilang akda'y tiyak kong bibilhin aralin, suriin, sanayin, gawin nang sarili'y maipagtanggol natin bata pa'y inaral na ang tae kwon do may YawYan din ang mga Pilipino na si Nap Fernandez ang guro nito kay Bruce Lee, salamat sa iyong libro - gregoriovbituinjr. 02.15.2025

Pagbabasa sa madaling araw

Image
PAGBABASA SA MADALING ARAW naalimpungatan akong sadya nang may kumaluskos sa kusina tila ba naglalaro ang daga mula sa labas, nasok ang pusa at di na rin ako nakatulog pagkat nawala na rin ang antok sa pagbabasa na lang uminog ang mundo kong puno ng pagsubok hanggang aklat ay aking nagalaw nagbasa na sa madaling araw libro na ang aking kaulayaw dito'y may pag-asang natatanaw ngunit nais ko pa ring umidlip upang ituloy ang panaginip kung saan ako'y may sinasagip na sa tren ay muntik nang mahagip - gregoriovbituinjr. 02.13.2025

Tula'y tulay

Image
TULA'Y TULAY tula'y tulay ko sa manggagawa tulang kinatha ukol sa dukha tula upang umugnay sa madla kaya naritong nagmamakata dito natagpuan ang pag-ibig taludtod at saknong ang kaniig kinatha'y nilupak at pinipig kahit nakatihaya sa banig tahakin ma'y pitong kabundukan maging madawag na kagubatan nasa lansangan man o piitan kakatha't kakatha pa rin naman tula'y aking tulay sa daigdig bibigyang boses ang walang tinig kuhila't burgesya'y inuusig na hustisya ang pinandidilig - gregoriovbituinjr. 02.12.2025

Isaaklat na ang mga kinathang tula

Image
ISAAKLAT NA ANG MGA KINATHANG TULA ako ba'y isinilang upang magmakata upang araw gabi'y kumatha nang kumatha upang anumang nanilay ay itutula kahit madalas nakatunganga't tulala natanto kong ang pagtunganga'y trabaho rin tititig sa malayo, sa langit, sa dilim inuunawa anumang naroong lihim na nais tuklasin kahit na may panimdim minsan, sa pagtunganga'y may nadadalumat paksang pag napagtanto'y agad isusulat nagbabakasakaling ang masa'y mamulat tungong pantay na lipunang kanyang nasipat walang pera sa tula kung paisa-isa subalit kung isasaaklat, may halaga tipunin na ang mga tulang nakatha na aklat na nalathala, sa madla'y ibenta - gregoriovbituinjr. 02.09.2025

Kwento ng kwento

Image
KWENTO NG KWENTO talagang pinaghuhusayan ko ang pagkatha ng maikling kwento nagbabakasakali lang ako na makatha ang nobelang plano simulan muna sa kwentong munti subukan ang pabula o dagli paksa ko'y kontrabida ang hari at bayani'y yaong aping uri batay sa dinanas bilang tibak at sa mga gumapang sa lusak ideya't isyu nga'y tambak-tambak di mauubos ang bala't pitak basta ako'y katha lang ng katha diwa'y sinasanay sa paglikha balang araw, nobelang inakda sa taumbayan mananariwa - gregoriovbituinjr. 02.07.2025

Sa hagdanan kong aklat

Image
SA HAGDANAN KONG AKLAT sa aking pagbabasa ako'y nakapupunta sa bansang iba't iba kahalubilo'y masa taos pasasalamat sa hagdanan kong aklat pagkat nadadalumat mga paksang nagkalat tara, kaibigan ko galugarin ang mundo tara, maglakbay tayo at magbasa ng libro salamat sa hagdanan kong aklat, sambayanan ay ating bahaginan ng tamong karunungan - gregoriovbituinjr. 02.06.2025 * litrato mula sa google

Ang nawawalang taludtod sa tulang "Engkantado" ni Jose Corazon de Jesus

Image
ANG NAWAWALANG TALUDTOD SA TULANG "ENGKANTADO" NI JOSE CORAZON DE JESUS Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Nitong isyu ng Liwayway, Nobyembre 2024, pahina 96, ay muling nalathala ang tulang " Enkantado " ni Jose Corazon de Jesus , na kilala ring Huseng Batute, ang unang hari ng Balagtasan. Unang nalathala iyon sa Liwayway noong Hulyo 14, 1923, isandaan at isang taon na ang nakararaan. Agad ko namang hinanap ang dalawa kong edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula" sa pagbabakasakaling bagong saliksik iyon na wala sa nasabing aklat. Subalit naroon sa dalawang edisyon ang nasabing tula. Ang pamagat ay " Engkantado " na may g. Ang nasabing tula'y nasa pahina 24-25 ng unang edisyon ng aklat, na unang nilathala ng Aklat Balagtasyano noong 1984 at muling nilathala ng De La Salle University Press noong 1995. Ang unang bersyon ay may 131 tula. Nasa pahina 64-65 naman ng "Binagong Edisyon" ang nasabing tula, na i...

Ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista

Image
ANG SINUMANG BAYANI'Y NAGSIMULANG AKTIBISTA ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista ipinaglaban ang kagalingan ng mamamayan laban sa naghaharing burgesya't oligarkiya ipinaglaban ang hustisya't paglaya ng bayan di sila oo lang ng oo't tanggap ang tiwali nais nilang maitama ang kalagayang mali bawat pagpapasya nila'y pagbabakasakali upang mabago lang ang sistemang nakamumuhi kaapihan ng bayan ay nilarawan sa Noli at Fili kaya namulat ni Rizal ang marami dahil doon inakusahan siyang nagrebelde sa Espanya, binaril sa Bagumbayan, bayani pinangunahan ni Bonifacio ang Katipunan at naitatag ang bansa nang sedula'y pinunit na simula ng himagsikan tungong kalayaan subalit siya'y pinaslang pati kanyang kapatid ang misyon niya'y itinuloy ni Macario Sakay kapanalig ng Katipunan, talagang mahusay sumuko sa Kano para sa Asembliyang pakay kasama si Lucio De Vega, sila ay binitay si Jose Abad Santos, ayon sa kwento ng anak ay naging tapat sa bayan, pinugutan ng ...

Panaginip at alalahanin

Image
PANAGINIP AT ALALAHANIN madaling araw, madilim pa ang paligid anong lamig na amihan ang inihatid nagising sa gunitang di mapatid-patid sa mata animo'y may luhang nangingilid tila nalunod sa dagat, habol hininga bunga ba iyon ng panaginip kanina o iyon ay suliraning nasa dibdib na habang sa isip may pag-asang nababasa madaling araw, nais ko muling lumipad na sa lupa mga paa'y di sumasayad tawirin ang bundok o saanman mapadpad habang natatanaw ang iba't ibang pugad tahimik, dumaang awto lang ang maingay bagamat dama sa puso ang dusa't lumbay tanging nagagawa pa'y ang magnilay-nilay at sa pagkatha ng kwento'y magpakahusay - gregoriovbituinjr. 02.04.2025